home
from the editor's laptop
welcome readerpoemsessaysshort storiesbookslinksarchivesindex to issuesOOV readersabout us / submitcurrent issue

 

Pula ang Ilaw
Ni Toni Platon-Tiu

Nandiyan ka na naman
kumakatok-katok, nagsasabing "Ate, Kuya,
bili ka na, para lang ako'y makauwi
hindi pa ako kumakain," katok, katok
dikit ng mukha sa bintana kong tinted.

Anino at boses, mistulang multo
Hindi kita nakikita, hindi kita tinitingnan
Hindi nakikita ang anino sa dilim — katwiran, kakulangan,
     nakasanayan.
Umalis ka diyan sa bintana kong tinted.

Diretso ang tingin, puno ang isipan,
sino ba naman ang magulang nito?
Huwag (daw) magbigay, baka sindikato.
Huwag (daw) magbigay, rugby bibilhin niyan.
(Hindi ko alam ang kwento ng mga anino).

Kapag binigyan kita ng piso
aalis ka ba? (wala namang nabibili sa halagang ito)
umalis ka na kasi diyan, nababasa mo ba ang hindi ko
     pagtingin?
eto na nga ang limang piso; ano? ang mahal naman ng
     sampagitang 'yan.
saan ba napupunta ang kita mo?

Katok-katok, sabi ng anino
pikit-mata ako, sana'y sa pagbukas wala ka na
di raw kita nakikita; isang larong mapagkunwari
gabi-gabi tayo'y magkalaro, anino sa anino
(sino ba talaga ang nananalo?)

Alis na, alis na, mga mata'y diretso sa daan.
Nasan ba kasi ang DSWD? Bantay Bata? MMDA?
(maalis… alis! maalis… taya! bantay pare, doble taya!
hanapin daw ang taya ng laro sa dilim)
Hindi kita tinitingnan, mapagkunwaring pansin
Anino't Sampagita sa bintana kong tinted.

Berde ang ilaw!

© Toni Platon-Tiu

Uy, Pula na ang Ilaw
Ni Rolly delos Santos

Oo, ako na naman, ate.
Kumakatok, umaamot ng konting awa at barya
bili na ng sampaguita sa murang halaga
kumakalam na ang aking sikmura
utak ko'y malapit ng kumatok at tuluyan nang masira

naririnig mo ba ang aking panaghoy?
nakikita mo ba ang dungis sa aking mukha
gula-gulanit na damit at maruruming palad?
ako ba'y mistulang anino
o sadya mong iniiwasang tingnan sa loob
ng tinted mong mundo, ng katwirang nakasanayan?

Lingunin mo ako, ate, ibsan mo ang bigat ng iyong isipan
wag mo nang pakaisipin pa ang kung anu-ano
hayaan mong ako na ang pumasan sa bigat ng daigdig
bigyan mo lang ako ng konting awa at barya

sampung piso lang at ako'y yayao na
patungo sa kabilang awto
sige na po, ate, kahit na nga po lima
mabango ang bulaklak na gawa sa tyaga ng gutom na mga
     kamay
ni inay na nanginginig, inuubo't lumulura ng dugo

"katok lang ng katok," anas ko sa sarili
manhid ang mukha, umaasang sana'y pagbuksan mo
alam kong nakikita mo ako, ang anino ng multo
multo na gawa mo at ng lipunang ginagalawan mo,
ateng naka-awto

wag munang umalis at ako'y pagmasdan
isang maralita at hamak, alipin ng lipunan
ang buhay ay hindi isang tv na kung ayaw ng palabas
ay ililipat o papatayin mo.
Ako ay tunay na tao, nagsusumamo na sana'y bilhan mo.
Tanggalin ang tint ng iyong bintana
upang makita mo kung ano ang tunay na hitsura ng mundo.

Ay, berde na, paalam, at bukas muli

© Rolly delos Santos



back to toptop | about the authors



powered by
FreeFind
RHONA MAE
BENITEZ-ANDREWS
Absence
Mailbox

SUSAN T. LAYUG
I had to leave for the romance of winter

PAPA OSMUBAL
Nag-iisa sa Zhuhai, Guandong
Daing ng Isang Pinoy sa Macao, Timog Tsina

IRENE SUICO SORIANO
Frederick

TONI PLATON-TIU
Pula ang Ilaw

ROLLY DELOS SANTOS
Uy, Pula na ang Ilaw

LUISA IGLORIA
Auit / Song
  poems | essays | short stories
from the editor's laptop | welcome reader | frontispiece
books | links | archives | index to issues | readers
about us | current issue